Apr 29, 2010

Pagkain ng Libro

Oo, libro nga. Kumakain ako ng libro pero aaminin ko di lahat ng libro ay masarap kainin. May mga librong sa unang tingin ay masarap pero pag kagat mo, hindi pala ok sa panlasa mo. Meron din namang tinikman mo lang at hindi mo na kinain ulit. Meron ding sa pagkadismaya ay naisuka mo ito. Mayroon din namang masarap, tipong paborito mo na. Ito yung mga paulit ulit mong kinakain, ninamnam o nginunguya ng paunti unti. Mayroon ding kinakain natin at nanatili satin, mayroon ding kinakain natin at nilalabas din natin agad. Mayroon ding shineshare natin sa iba at mayroon ding hindi.

Maraming klase nito. Maliit, malaki, makapal, manipis, sira sira, bago at kung anu ano pa. Pero laging tandaan na hindi ito ang iyong nanamnamin, ito ay ang mga salita at ideya ng manunulat. Masarap kumain ng libro, lalo na kung gutom ka. Masarap itong gawain dahil nabubusog ka – nabubusog ang iyong isipan. Iba’t ibang lasa. Iba’t ibang sangkap. Iba’t ibang pinagmulan.

Mahilig ako magbasa, ikaw ba?
Ika nga ni Bob Ong:

Hikayatin mo lahat ng kakilala mo na magkaroon ng kahit isa man lang paboritong libro sa buhay nila. Dahil wala nang mas kawawa pa sa mga taong literado pero hindi nagbabasa.

Kung kakain ka ng libro, maipapayo kong huwag kang maging mapili, huwag kang aayaw agad at tikman lahat ng pwedeng tikman. Huwag bilisan ang pagnguya ng bawat salita at pahina, hangga’t maari patagalin ang pagnguya nito. Nguyain mabuti at huwag lang lunok ng lunok. Alamin ang pagkakaiba ng matamis, maasim at mapait. Kung maubos mo ang kinakain mong libro, huwag kalimutang pwede kang makikikain.

Darating din ang araw na ilalabas mo rin ang mga kinain mo, pero huwag mag-alala sapagkat mayroon pa rin namang mananatili saýo kahit gaano pa ito kaunti. Hindi sa inidoro lahat ang punta nito. Kaya huwag kalimutang kumain at magbahagi. Tara, kain tayo, libre mo ko?

“Some books are to be tasted; others swallowed; and some to be chewed and digested.” – Francis Bacon

0 comments:

Post a Comment

 
;